Pasig City Government, magsasagawa ng lockdown sa mga piling kalye dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19

Inihayag ng pamunuan ng Pasig City Government na magsasagawa sila ng tinatawag na granular lockdown o lockdown bawat kalye dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, pinayuhan din nito ang publiko na higpitan pa ang pagbabantay sa sarili bilang proteksyon na rin sa pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa bansa sa pamamagitan ng patuloy na pagtalima sa ipinatutupad ng gobyerno na minimum health protocols.

Paliwanag ni Mayor Sotto, ang hindi pagsunod sa mahigpit na kautusan ng pamahalaan na palagiang magsuot ng facemask at faceshields ang isa sa mga dahilan kung bakit tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19.


Dagdag pa ng alkalde na dapat maging mapagmatyag o vigilant ang publiko sa patuloy na pagsunod sa minimum health standards kahit na mayroon ng bakuna sa bansa.

Giit ni Sotto, hindi na umano pa kakayanin ng bansa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) kabilang ang Pasig City dahil maraming tao ang magugutom dahil sa negatibong epekto ng ekonomiya ng bansa at libo-libong kung hindi man milyon ang makararanas ng kahirapan sa mga susunod na darating na taon.

Facebook Comments