Pasig City Mayor Vico Sotto, nagbabala sa mananamantala sa bigayan ng ECQ ayuda sa lungsod

Binantaan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga taong mananamantala sa bigayan ng ayuda sa kanyang lungsod.

Giit ng alkalde, mananagot sa batas at ipakukulong niya ang sinumang manggugulo sa kanilang pamamahagi ng ayuda.

Ito ang naging pahayag ng alkalde matapos na may 18 indibidwal na nahuling sangkot kahapon na namekeng Enhanced Community Quarantine (ECQ) beneficiaries.


Pahayag ni Sotto, iniimbestigahan na ng mga otoridad ang iba pang sangkot sa nasabing modus.

Sinabi rin nito na may mga natukoy na ring iba pang sangkot dito kaya’t magsasagawa sila ng entrapment o pagkulong sa mga ito.

Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye ang alkalde dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ukol dito.

Muling sinabi ng alkalde na hindi lahat ay mabibigyan ng ECQ ayuda ng nasyonal na pamahalaan ngunit sinisikap ng pamahalaang lungsod ng Pasig na mabigyan ng ayuda ang lahat ng mahihirap na residente sa lungsod.

Facebook Comments