Nakiusap si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga residente nito na positibo o infected ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na huwag ng tumanggi kung sila ay dadalhin sa kanilang centralized quarantine facility.
Sa kaniyang pahayag ngayong umaga sa Facebook live nito, hinihingi niya ang kooperasyon ng mga residente sa mga hakbang ng pamahalaan ng lungsod kaugnay sa laban nito kontra COVID-19.
Paliwanag niya, mas ligtas manatili sa loob ng kanilang Centralized Quarantine Facility.
Mayroon aniya itong mga doktor at ibang medical workers na magmomonitor sa kanilang kalusugan at mayroon din silang makakausap sa loob ng nasabing pasilidad.
Dagdag pa niya, hindi lang ito sa kapakanan ng pasyente at pamilya nito kundi seguridad din sa komunidad.
Kaya panawagan niya sa mga positibo sa COVID-19 sa lungsod na huwag ng magdalawang isip na dumulog sa tanggapan ng City Health Department o sa mga barangay health center upang madala sila sa quarantine facilities ng lungsod.