Malaki ang epekto ng COVID-19 pandemic pagdating sa international travel o pagpasok ng mga byahero sa Pilipinas.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Bureau of Immigration Spokesperson Dana Krizia Sandoval na 70% ang ibinaba ng pasok ng mga travelers sa bansa simula noong mag umpisa ang pandemya.
Ayon pa kay Sandoval, lalo pang tumumal ang pagdating ng mga byahero ngayong may banta ng COVID-19 Delta variant.
Isa aniya sa mga rason ay ang pag-iral ng travel ban, hindi lamang dito sa bansa kung hindi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Aniya, mahigpit na ipinatutupad ang health protocols sa mga paliparan gayundin sa mga pantalan.
Ang tanging pinapapasok lamang sa ngayon ay ang mga Overseas Filipino workers (OFW), mga balikbayan at mga foreigner na mayroong valid visa tulad ng mga nag-aaral at nagtatrabaho sa Pilipinas, diplomats at yung mga permanent resident na.
Sa ngayon, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok ng mga turista.
Bawal ding pumasok ang mga byahero mula sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia at Indonesia dahil sa umiiral na travel ban.