Suspendido ang trabaho sa lahat ng field offices ng Commission on Elections o COMELEC simula ngayong araw, March 16, 2020.
Ito ay bilang pag-iingat na rin at para makatulong na mabawasan ang pagkalat ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, ang suspensyon ng trabaho sa lahat ng field office ng komisyon ay tatagal hanggang April 14, 2020.
Ito ay kasabay ng pagtatapos ng umiiral na community quarantine sa Metro Manila, maliban na lamang kung bawiin ng mas maaga.
Nilinaw naman ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na bukas ang central office ng COMELEC sa lungsod ng Maynila.
Gayunman, sinabi ni Guanzon na kaunti lamang ang pinapasok na staff habang ang mga abogado ng mga commissioner ay work-from-home.
Dagdag ni Commissioner Guanzon, ang mga empleyado niya na buntis o may mga anak ay maaari rin na mag-work-from-home.