Iminungkahi ni ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo na iurong sa Agosto o sa Setyembre ang susunod na school year sa lahat ng antas ng mga paaralan.
Ayon kay Tulfo, mas mainam na mag-ingat kaysa ipilit ang pagbubukas ng school year sa Hunyo.
Kung iuurong, aniya, sa Agosto o Setyembre ang pasukan ay mabibigyan ng panahon ang mga paaralan na maka-recover sa epekto ng COVID-19.
Binanggit din ng kongresista na maraming eskuwelahan ang kinailangang gamitin bilang staging area, relief goods distribution center o temporary community quarantine facility.
Marapat lamang, aniya, na malinis munang maigi ang bawat sulok ng mga paaralan at naniniwala itong hindi sapat ang isang linggong Brigada Eskwela para matiyak na madi-disinfect ang bawat classrooms.
Sa mungkahi ni Tulfo sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), pinapasubok nitong pagsabay-sabayin na ang pasukan mula elementarya hanggang kolehiyo.