Passing at failing grade, ibinigay na grado ng minorya kay Pangulong Duterte

Courtesy: pcoo.gov.ph

Magkakaiba ang mga gradong ibinigay ng mga miyembro ng Minorya sa mga nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong mga nakalipas na taon at buwan.

Kung si Minority Leader Benny Abante ang tatanungin, ‘passing grade’ ang kanyang ibibigay sa Pangulo.

Paliwanag ni Abante, bagama’t hindi naging handa ang pamahalaan sa epekto ng COVID-19 pandemic ay hindi naman masasabi na ‘failure’ ang ehekutibo dahil kita naman na ginagawa ng Presidente ang kanyang ‘best’ o lahat ng makakaya para tugunan ang epekto ng krisis sa bansa.


Tinukoy pa ng Minority Leader na ang mga nasa ilalim o ilang opisyal ng pamahalaan ang mabagal ang pagkilos sa pagtugon sa pandemya.

Samantala, bagsak na grado naman ang ibinigay ni Deputy Minority Leader Carlos Zarate sa paraan ng pagresponde ng pamahalaan sa pandemya.

Giit ni Zarate, sa ganitong kaseryosong problema ay nagagawa pang gawing biro ng Pangulo ang sitwasyon sa kabila ng libu-libo na ang nasawi at nagkasakit.

Hindi aniya pwedeng ipasa ng Presidente ang sisi at responsibilidad sa mga opisyal nito dahil sa huli ay malinaw na accountable rito ang Pangulo.

Dagdag pa ni Zarate, sa halip na sibakin sa pwesto ang ilang opisyal na inuulan ng reklamo ay naririyan pa rin sa posisyon ang mga ito at patuloy na nagtutulak ng mga polisiyang hindi naman malinaw.

Facebook Comments