Gumagawa na ngayon ng hakbang ang Philippine National Police Anti–Cyber Crime Group (PNP-ACG) para mahinto ang mga modus ng ilang grupo kaugnay sa paniningil ng bayad para lang makapag-passport appointment.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, inutusan niya sa PNP-ACG na imbestigahan ang mga ulat na ito matapos humingi sa kanila ng tulong ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa umano’y laganap na pagbebenta ng passport application appointment slots sa pamamagitan ng Facebook.
Sinabi ni PNP chief, hindi niya papayagan na pagkakitaan ang ilang Pilipino lalo na ang Overseas Filipino Workers o OFWs dahil sa hirap ng buhay ngayon na dulot ng pandemya.
Giit ni PNP chief, libre ang pagkuha ng appointment slots kaya panawagan nito sa mga aplikante na huwag i-entertain ang ganitong alok sa Facebook.
Sa ngayon, inaalam na ng PNP-ACG ang mga Facebook account na nag-o-offer ng passport appointment process sa mga aplikante para mapahinto na ito sa panloloko.