Pastor na Gumahasa ng Makailang beses sa noo’y 17-anyos na Biktima, Arestado sa Nueva Vizcaya

Cauayan City, Isabela-Arestado ang Top 1 Most Wanted Person sa lalawigan ng Nueva Vizcaya matapos isilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa kanya sa Purok 3, Brgy. Abinganan, Bambang, Nueva Vizcaya kahapon, Setyembre 7, 2021.

Sa ulat ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, kinilala ang akusado na si Julius Macasieb, 26-anyos.

Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng Bambang PNP at Provincial Intelligence Unit ang suspek dahil sa kasong Panggagahasa.


Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minsan noong taong April 2012, itinalaga ang suspek bilang Pastor ng kanilang sekta sa naturang barangay kung saan ang biktima ay naninirahan sa bayan ng Bambang at nakilala nito si Macasieb.

Kasunod nito, nakipag-kaibigan ang suspek sa biktima hanggang sa nagkaroon ito ng oportunidad na gawin ang kanilang unang pagtatalik noong Agosto 2017 sa bahay na nirentahan ng suspek kasama ang noo’y 17-anyos palang na biktima.

Dahil sa isyu, naiulat na natanggal sa pagiging pastor ang suspek taong Setyembre 2019 hanggang sa natapos rin ang relasyon niya sa biktima.

Gayunpaman noong Marso 4, 2020, pinilit ng suspek ang biktima na makipagkita sa kanya at nagbanta sa biktima na ikakalat sa publiko ang kanilang mga hubad na larawan kung hindi siya magpapakita.

Dahil sa takot, pumayag ang biktima at muling nagkaroon ng pagkakataon ang suspek na maulit ang panghahalay sa kanya.

Nadakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Paul R. Attolba Jr. ng RTC Br. 30 Bayombong para sa kasong Rape at walang inirekomendang piyansa ang korte.

Nasa pangangalaga na ng Bambang Police Station ang akusado para sa kaukulang disposisyon.

Samantala, arestado naman ang trenta’y singko anyos (35) na magsasaka sa Purok 2, Pagrang-ayan, Ramon, Isabela sa kasong panggagahasa rin.

Kinilala ang suspek na si Eddie Pugal Jr., residente ng nasabing lugar at ika-anim sa listahan ng mga wanted sa batas sa lalawigan ng Isabela.

Ayon sa ulat ng PNP, ang krimen ay nangyari noong ika-17 ng Disyembre ng nakaraang taon kung saan pinilit umano ng suspek ang menor de edad na biktima na sumama sa kanya sa bahay ng isang kamag- anak sa Cordon, Isabela at doon isinagawa ang panghahalay sa biktima.

Ang suspek ay nasa kustodiya ngayon ng Ramon Police Station at nahaharap sa paglabag ng Republic Act 8353 o Anti-Rape Law of 1997.

Facebook Comments