Hindi pa maibabalik sa buwan ng Hunyo ang petsa ng pasukan sa susunod na school year.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Education Assistant Secretary Francis Cesar Bringas na malabo pang mangyari ang pasukan sa Hunyo dahil ang schedule ng pasok ngayon ay mula Agosto 29, 2023 hanggang June 14, 2024.
Ilang senador ang nagmungkahi na ibalik sa Hunyo ang petsa ng pasukan para maging bakasyon ulit ang buwan ng Abril at Mayo na mga panahon na nararanasan ang sobrang tag-init.
Tinukoy rin ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian na kailangang solusyunan ang mabigat na teaching load ng mga guro dahil may mga lugar na dalawa hanggang tatlo ang shift ng pasok dahil sa dami ng estudyante pero kulang naman ang classroom.
Aniya, 9 percent ng K to 10 schools o 3,500 na eskwelahan ang kulang sa guro, 24 percent sa junior high school ang eskwelahan na kulang at 34 percent sa senior high school.
Ayon kay Asec. Bringas, kahit tatlo ang shifts ng eskwelahan hanggang anim na oras lang na magtuturo ang mga guro at may dalawang oras sila para sa lesson plan.
Nagrere-deploy naman ang Department of Education (DepEd) ng mga guro mula sa mga eskwelahan na may sobrang guro bagaman challenge aniya ang deployment ng mga guro sa mga lugar na mahirap abutin.