Pasya ni President-elect Marcos na pamunuan ang DA, umani ng papuri sa mga senador

Para kay Senate President Tito Sotto III, excellent decision ang gagawing pamumuno ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) na aniya’y nababalot umano ng korapsyon at technical smuggling.

Inaasahan naman ni Senator Nancy Binay, na mas mabils na matututukan at mareresolba ang mga pangangailangan ng agrikultura gayundin ang mga problema dito katulad ng katiwalian at red tape o matagal na transaksyon.

Para naman kay Senator-elect Jinggoy Estrada, kahanga-hanga ang pasya ni Marcos Jr. na pamunuan ang DA at ipinapakita nito kung gaano ka decisive at hands on ang ating susunod na pangulo.


Diin ni Estrada, mas magiging mabilis ang pag-aksyon at pagpapatupad ng solusyon sa problema dahil pangulo na mismo ang kukumpas.

Sinabi naman ni Senator-elect Chiz Escudero sa pag-upo ni PBBM bilang kalihim ng DA maari nitong tanggalin ang maraming red tape sa departamento at magagamit lahat ng resources para sa pagresolba sa krisis sa pagkain.

Iginiit naman ni Senator-elect Robin Padilla na may misyon at vision si PBBM na buhayin ang agrikultura at ipagpatuloy ang naiwan na maunlad na programa ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, bukod sa tiyak din aniyang matutuldukan na ang red tape.

Nauna naman ng inihayag nina Senators Sonny Angara at JV Ejercito, na napatunayan ngayon na seryoso si PBBM na lutasin ang nakaambang krisis sa pagkain.

Facebook Comments