Nagnegatibo sa middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus o MERS-COV ang lalaking Overseas Filipino Worker (OFW) Mula Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon kay Health Usec. Eric Domingo – lumabas sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na hindi MERS-COV kundi pneumonia ang sakit ng 47-anyos na pasyente.
Una rito, in-admit sa Laguna Doctors Hospital ang OFW na umano ay dalawang linggo nang tina-trangkaso.
Agad namang isinailalim sa general disinfection ang emergency room ng ospital.
Samantala, ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III – walang dapat ikabahala ang publiko dahil maituturing na isolated case ang suspected MERS-COV incident.
Ang MERS-COV ay isang uri ng nakakahawang respiratory disease na maaaring maipasa sa pagitan ng hayop at tao.
Kabilang sa mga sintomas ng MERS-COV ay lagnat na may kasamang ubo, sore throat, nasal congestion o hirap sa paghinga, fatigue o sobrang pagod, pananakit ng ulo, pangangatal, pagsusuka at pagtatae.
Sa ngayon, walang kaso ng MERS-COV sa Pilipinas pero mahigpit itong binabantayan ng DOH dahil kapag kumalat, mahirap na umano itong kontrolin.