Makaraang gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), inatake naman sa puso ang 40 taong gulang na lalaking mula sa Barangay Taculing, Bacolod City nitong Sabado.
Ang pasyenteng pumanaw ay anak ng 62-anyos na babaeng tinamaan din ng COVID-19 na binawian ng buhay noong Marso 31.
Ayon kay Dr. Grace Tan, tagapagsalita ng Bacolod Inter-Agency Task Force (IATF), nakatakda na sanang ma-discharge ang pasyente na anim na linggong nakaratay sa ospital.
Dalawang beses na raw nag-negatibo ang lalaki sa COVID-19 test na isinagawa noong Abril 7 at 10.
May travel history ito sa Metro Manila noong Marso 8, isang linggo bago ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon.
Bago pa dapuan ng COVID-19 at atakihin sa puso, na-stroke na noon ang pasyente at mayroon din sakit na hypertensive cardiovascular disease.
Marso 19 nang ma-confine ito sa pagamutan dahil sa ubo, hirap sa paghinga at matinding lagnat.
Batay sa death certificate, “cardiogenic shock secondary to fatal arrhythmia” ang ikinamatay ng pasyente.
“But, since the victim had already tested negative for the virus, and twice at that, he cannot be considered a COVID-19 fatality, per DOH protocols,” pahayag ni Tan.