PATAFA, binatikos ng isang senador sa hindi pag-endorso kay EJ Obiena sa international competitions

Binatikos ni Senator Pia Cayetano ang mga aksyon ng Philippine Athletic and Track and Field Association o PATAFA laban kay EJ Obiena na isa sa nangungunang pole vaulter sa buong mundo.

Dismayado si Cayetano na hindi makakalaro si Obiena sa SEA Games, Asian Games, at iba pang world athletics events dahil sa hindi pag-endorso sa kanya ng PATAFA.

Hindi katanggap-tanggap kay Senadora Cayetano na inalisan tayo ng PATAFA ng kinatawan sa major international sports competitions.


Walang makitang dahilan si Cayetano para gawin ito ng PATAFA, dahil sa pagdinig ng Senado ay naging malinaw na walang katotohanan ang alegasyon kay Obiena na hindi niya naibigay ng buo ang sweldo ng kanyang coach.

Giit ni Cayetano, hindi karapat-dapat para sa mga Pilipino ang kasalukuyang PATAFA dahil ipinagkait nito ang tiyansa na makamit natin ang karangalan sa pamamagitan ng inaasahang tagumpay bunga ng kahangahangang husay ni Obiena.

Facebook Comments