Inilabas na ng Department of Agriculture (DA) ang implementing guidelines para sa transport support program para sa hog suppliers, sellers, raisers at traders.
Kabilang ito sa mga hakbang ng ahensya para mapigilan ang pagsipa ng presyo ng karneng baboy sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, ang mga lehitimong supplier, seller, raiser, o trader ng mga baboy at “pork in a box” na may pre-arranged buyer na sinertipikahan ng regional agriculture office ay mabibigyan ng transport assistance.
Sakop lamang nito ang mga baboy na ipadadala sa Metro Manila.
Ang DA ay magbibigay ng subsidy na nasa ₱21 kada kilo para sa supplies na magmumula sa Mindanao; ₱15 kada kilo para sa mga supply na manggagaling sa Visayas, Bicol, MIMAROPA, Ilocos Region at Cagayan Valley at ₱10 per kilo na subsidy para sa mga supplies na mula sa Central Luzon at CALABARZON.
Paalala ng DA na dapat mag-secure ang mga hog raisers, seller at traders ng shipping permit, resibo na inisyu ng carrier sa shipper, sertipikasyon na inisyu ng katayan o slaughterhouse sa Metro Manila, sertipikasyon para sa cold storage sa Metro Manila at meat inspection certificate mula sa National Meat Inspection Service (NMIS).
Pagkadating ng mga baboy sa Metro Manila dapat silang dalhin sa katayan habang ang mga karne ay dadalhin sa cold storage facility.