*Cauayan City, Isabela- *Hinamon ni Major General Pablo M. Lorenzo, AFP Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang mga grupo o organisasyon na nagsagawa ng pangangalap ng impormasyon sa bayan ng San Mariano, Isabela na magkaroon ng “Joint Fact Finding Mission”.
Sa lingguhang “Tipon-Tipan” ng Philippine Information Agency Region 2 sa Tuguegarao City kaninang umaga, Septyembre 3, 2019 ay kanyang hiniling na dapat magkaroon ng ‘joint fact finding mission’ upang magkaroon ng patas na resulta.
Magugunita na noong Agosto 8 hanggang Agosto 10, 2019 ay nagsagawa ng Fact Finding Mission sa ilang barangay sa bayan ng San Mariano, Isabela ang organisasyong Karapatan Cagayan Valley, Danggayan-CV, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Karapatan, Amihan, RDC Kaduami, Bayan Muna, Gabriela Partylist na pinangunahan ni Congressman Arlene Brosas kung saan nakapagtala ang mga ito ng labing anim (16) na umano’y paglabag ng militar sa karapang pantao ng mga mamamayan sa lugar.
Kaugnay nito iginiit ni MGen Lorenzo na mismong si Mayor Edgar “Bobot” Go ng San Mariano ay una nang nagpadala ng kanyang sulat sa pamunuan ng kamara sa pamamagitan ni Congressman Allan Peter Cayetano upang pabulaanan ang mga alegasyon ng Fact Finding Mission Team kaugnay sa mga pang-aabuso umano ng militar sa kanyang nasasakupan.
Ayon pa kay MGen Lorenzo na walang kabuluhan at pawang gawa-gawa lamang aniya ng Fact Finding Mission Team ang labing-anim na naitalang paglabag umano ng militar sa karapatang pantao ng mga residente ng San Mariano.
Gayunman ay bukas pa rin naman aniya ang kanyang pamunuan na magkaroon ng malalimang imbestigasyon hinggil sa nasabing isyu.
Samantala, kanyang inihayag na mangilan-ngilan na lamang ang mga aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa buong lambak ng Cagayan dahil na rin sa pagsuko ng kanilang mga kasamahan.
Posible aniya na mayroon na lamang 2 platoon na binubuo ng 20 hanggang 30 katao na gumagalaw sa Kanluran at Silangang bahagi ng Cagayan.
Bagamat marami na sa mga rebelde ang sumuko sa gobyerno ay muli pa rin nitong hinikayat ang mga makakaliwang grupo na magbalik loob sa pamahalaan.