Manila, Philippines – Siniguro ng Department of Foreign Affairs na magiging patas ang isasagawa nilang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng 2 Vietnamese fishermen.
Matatandaang alas 2 ng madaling araw kahapon nang mamonitor ng mga tauhan ng Philippine Navy ang presensya ng Vietnamese fishing vessel na malapit sa Bolinao, Pangasinan.
Sa inisyal na ulat, binangga pa ng Vietnamese fishing vessel ang barko ng Philippine Navy, nang malapitan at mapasok ng mga tauhan ng Navy ang fishing vessel ng mga banyaga tumambad sa kanila ang 2 patay na Vietnamese fishermen.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano, nakausap niya mismo si Vietnamese Deputy Prime Minister and Foreign Minister Pham Binh Minh sa ASEAN Informal Foreign Ministers Meeting sa United Nations sa New York at tiniyak nitong magiging patas ang isasagawang imbestigasyon ng Pilipinas.
Mayroon na aniyang team ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police ang idineploy sa Pangasinan upang alamin ang buong detalye ng insidente.
Tiniyak pa ni Cayetano kay Minister Minh na ang 5 iba pang nahuling Vietnamese fishermen ay itatrato ng tama at bibigyan nila ng update hinggil sa development ng kaso ang Vietnamese Embassy.