PATAS | Pangulong Duterte, nanalo ng patas; Cambridge Analytica, hindi ginamit ng Duterte Campaign Team

Manila, Philippines – Hinikayat ng Palasyo ng Malacañang ang publiko na igalang ang pagkapanalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2016 elections.

Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap narin ng balita na nakinabang umano si Pangulong Duterte sa Political Consulting firm na Cambridge Analytica noong presidential elections.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ang pagkapanalo ng Pangulo sa nagdaan na halalan ay resulta ng tiwala ng mamamayan sa kanya na hindi dapat minamaliit ng sinoman.


Binigyang diin ni Roque, na nanalo ang Pangulo sa patas na paraan kung saan nakakuha ito ng mahigit 16 na milyong boto at mahigit 6 na milyong laman mula sa pumangalawa sa kanya.

Dagdag pa ni Roque, hindi lamang galing sa social media ang suportang natanggap ng Pangulo kundi mula sa maraming sector ng lipunan kaya walang dahilan para bumili ng impormasyon ang kampanya ni Pangulong Duterte.

Sinabi din ni Roque, tiniyak ni Finance Secretary Carlos Dominguez na tumayong treasurer ng Duterte Campaign team na wala siyang binayaran sa Cambridge Analytica at hindi ito nakipagtransaksyon dito.

Hindi din umano, makatwiran ang alegasyon laban sa pangulo nang hindi napatutunayan ng anomang matibay na ebodensiya.

Facebook Comments