Patong patong na kaso isasampa ng PMAAI laban kay Erwin Tulfo sa pambabastos sa radyo kay DSWD Sec. Rolando Bautista

Patong patong na kaso ang kakaharapin ni Broadcaster Erwin Tulfo sa korte matapos nitong pagmumurahin si DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista sa kanyang radio program.

 

Sa isang press conference sa Camp Aguinaldo sinabi ni Police Col Arthur Bisnar, Philippine Military Academy Alumni Assn President na handa ang PMAAI na supportahan ang kanilang kapwa cavalier na si Bautista sa paghahain ng legal na aksyon laban kay Tulfo.

 

Mayroon aniyang Cavaliers lawyers association na nagpupulong na para tulungan ang legal team ni Bautista.


 

Sinabi ni Bisnar, kasong libelo, oral defamation at slander ang kanilang ikakaso kay Tulfo na nakasira sa reputasyon ni Bautista.

 

Maliban aniya dito ay irereklamo din nila si Tulfo sa MTRCB at sa National Press Club dahil sa kanyang pagmumura sa himpapawid.

 

Kahit na aniya nag-isyu na ng Public apology si Tulfo, ang korte na ang bahala kung ikukunsidera nito.

 

Matatandaang nagpahayag ng buong pagsuporta ang PMA Alumni Association kay Bautista na anila ay isang respetado at tinitingalang dating opisyal ng militar.

Facebook Comments