Patrolman Fontillas, hindi pa rin tumitigil sa pagpo-post ng paglaban sa pamunuan ng PNP

Sa nakalipas na walong oras ay anim na mga bagong mga post sa kanyang Facebook page ang inilabas ni Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas.

Ito ay ilang oras matapos siyang masampahan ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ng mga kasong Inciting to Sedition at paglabag sa Cybercrime Prevention Act kahapon ng hapon.

Kabilang sa mga bagong post ni Fontillas ang may caption na usapang organisasyon at hinaing sa Philippine National Police (PNP) at sa gobyerno.


Bukod dito ay ipinost din ng bagitong pulis ang pirmado niyang leave of absence.

Ito ay bilang tugon ni Fontillas sa pahayag ng QCPD na siya raw ay AWOL o absence without leave ng isang linggo.

Pero giit nito, nag-file siya ng leave mula March 6-19 na aprubado at pirmado aniya ng chief admin ng QCPD.

Sa isang post pa ni Fontillas ay hinahamon nito ang lahat na kasuhan siya at mamimigay pa aniya siya ng reward kung siya ay maipakukulong at walang makapagpapabagsak sa kanya.

Kasabay ng pagtawa, ay mistulang nangangantiyaw pa ito sa PNP sa pagsasabing hindi raw inciting to sedition ang kaniyang ginawa dahil pagpapahayag lamang ito ng kanyang prinsipyo na isang karapatan sa ilalim ng freedom of expression.

Facebook Comments