Patuloy na modernisasyon sa Philippine Navy, tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana

Siniguro ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagsuporta ng Department of National Defense (DND) sa tuloy-tuloy na modernisasyon ng Philippine Navy.

Ang katiyakan ay ginawa ng kalihim sa kanyang mensahe sa send-off ceremony kaninang umaga ng BRP Tarlac (LD601), na lumayag patungong Catanduanes dala ang 255 tonelada ng relief supplies para sa mga biktima ng nagdaang dalawang bagyo.

Ayon kay Lorenzana, sisikapin ng gobyerno na mabigyan pa ng karagdagang “assets” ang Philippine Navy para sa mas mahusay at mabilis na pagseserbisyo sa mga biktima ng kalamidad.


Ipinaabot din ng kalihim ang pasasalamat at “feeling of pride” ng Pangulong Rodrigo Duterte sa “One Defense Team” na nasa frontline sa pagligtas ng mga buhay sa mga lugar na sinalanta ng mga nagdaang bagyo.

Maliban sa relief supplies, sakay rin ng BRP Tarlac, ang mga heavy equipment, trucks at trailers ng Naval Combat Engineering Brigade, maging ang Marine Battalion Landing Team 9 para tumulong sa clearing operations at rehabilitation efforts sa Catanduanes.

Facebook Comments