Patuloy na paglabag sa batas trapiko at kawalan ng disiplina, isa sa mga dahilan ng pagbigat ng daloy ng trapiko ayon sa MMDA

Nagsagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng traffic assessment sa Marcos Highway.

Parte ito ng kanilang pagtugon sa problema pagdating sa pagbagal ng daloy ng trapiko sa highway lalo na nitong mga nakaraang araw.

Lumabas sa kanilang assessment na ilan sa mga dahilan ng matinding traffic sa lugar ay dahil sa patuloy na paglabag sa batas trapiko at kawalan ng disiplina.

Ayon sa ahensya, ilan kasi sa mga jeep ay nagbababa o nagsasakay ng mga pasahero.

May ilang ding mga pasahero na nag-aabang ng kanilang masasakyan sa kalsada sa halip na sa itinalagang hintuan.

Ilan din sa mga motorista ang pinipilit ang kanilang gusto kahit na mali na nagreresulta ng kaguluhan at pagbagal ng daloy ng trapiko.

Dahil dito, nagpapatupad ang MMDA ng iba’t ibang interventions katuwang ang mga lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga ito ang karagdagang deployment ng traffic enforcers, pag-iinstall ng mga traffic signages, traffic signalization, at iba pa.

Samantala, pansamantalang walang mall-wide sale sa mga mall sa lugar.

Sa kabila nito, binigyang-diin ng ahensya na kailangan pa rin ng disiplina, aktibong pakikipagtulungan, at kooperasyon ng mga motorista at komyuter sa pagpapabuti ng daloy ng trapiko sa naturang highway.

Facebook Comments