Panawagan ngayon ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana sa China na tigilan na ang kanilang pagsalakay sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa isang statement, inihayag ng kalihim na nakaaalarma ang napaulat na presensya ng 220 barko ng Chinese Militia sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
Aniya, ang naturang teritoryo ay nasa loob ng EEZ at Continental Shelf ng Pilipinas, na tanging mga Pilipino lang ang may karapatan sa likas-yaman ng lugar batay na rin sa international law at 2016 Arbitral Ruling.
Para kay Lorenzana, ang aksyon ng China ay malinaw na “provocative action.”
Kinakailangan aniyang i-recall ng China ang kanilang mga barko, habang binigyang diin na determinado ang Pilipinas na itaguyod ang “sovereign rights” ng bansa sa West Philippine Sea.
Sinabi pa ng kalihim, nakipag-uugnayan na ang DND sa Philippine Coast Guard (PCG), National Task Force for the West Philippine Sea at Department of Foreign Affairs (DFA) upang makagawa ng nararapat na aksyon.