Patuloy na pananalasa ng mga bagyo sa bansa, patunay ng kahalagahan na maitatag ang Department of Disaster Resilience

COURTESY: SENATE OF THE PHILIPPINES

Iginiit ni Senator Christopher Bong Go ang kahalagahan na maitatag ang Department of Disaster Resilience o DDR para matiyak ang mabilis na pagtugon at epektibong paghahanda sa mga kalamidad na tumatama sa bansa katulad ng mga bagyo, lindol, at pagputok ng bulkan.

Ang masidhing pagsusulong ni Go sa DDR Bill ay sa harap ng patuloy na pananalasa ngayon ng mga bagyo sa Pilipinas tulad ng nagdaang Typhoon Quinta at ang tinututukan ngayong Bagyong Rolly.

Paliwanag ni Go, sa pamamagitan ng DDR ay mas magiging klaro ang mekanismo upang ihanda ang mga komunidad sa kalamidad at mas mabigyan ng mahusay na serbisyo ang mamamayan.


Ayon kay Go, kailangan ng isang cabinet-level agency na mayroong secretary-level in charge na magiging tagapamahala ng preparedness, response, and resilience measures upang maprotektahan ang mga buhay at kapakanan ng ating mga kababayan.

Ipinunto ni Go, ngayon kasi ay maraming ahensya ang nakikibahagi sa mga disaster-related na gawain kaya dapat ay pag-isahin na lang ito sa ilalim ng DDR.

Tiniyak ni Go na kapag naitatag ang DDR ay mas magiging agaran ang mga hakbang ng pamahalaan, mas maiibsan din ang masamang epekto ng mga kalamidad at mas mapapabilis ang pagbangon ng mga biktima ng sakuna.

Facebook Comments