Patung-patong na Kaso, Isinampa na sa 2 Nahuling Kasapi ng Private Armed Group!

*Jones, Isabela- *Sinampahan na ngayong araw ng patung-patong na kaso ang dalawang nahuli ng mga otoridad na kasapi ng Private Armed Group (PAG) na kinilalang sina Wilfred Betita alyas “Wilson” at Jessie Pascual na kapwa residente ng Brgy. Sta. Isabel, Jones, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Police Captain Fernando Mallillin, hepe ng PNP Jones, kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Omnibus Election Code ang isinampa sa dalawang suspek.

Magugunita na noong May 2, 2019 ng umaga, nahuli ang dalawa matapos makorner at masamsaman ng iligal na bala’t baril, droga at granada sa inilatag na checkpoint ng mga otoridad sa Brgy Dibuluan ng nasabing bayan.


Narekober sa pag-iingat ng mga suspek ang isang Caliber 45, dalawang granada, ilang sachet ng shabu at marijuana, ilang mahahalagang dokumento, at apat na pangalan at larawan ng mga pulitiko sa Jones na target umanong patayin ng dalawang suspek.

Samantala, humingi na ng karagdagang pwersa ang PNP Jones sa Regional Office upang tumulong sa pagbabantay at pagbibigay seguridad sa kanilang nasasakupan lalo na ngayong nalalapit na Eleksyon.

Facebook Comments