Cauayan City, Isabela- Nahaharap ngayon sa mga kasong carnapping, Usurpation of Authority at Large Scale Estafa ang nahuling 22 anyos na babaeng nagpanggap na Police Major dahil sa pagtangay nito ng motorsiklo at pagdenggoy sa ilang aplikante ng AFP at PNP.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Rey Sales, pinuno ng Highway Patrol Group, kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Isabela ang suspek na nakilalang si Jebelyn Buncag, 22 taong gulang, Criminology graduate, may-asawa, at residente ng barangay Turod, Reina Mercedes Isabela.
Nagpapakilala ang suspek sa kanyang mga nabiktima sa pangalang Police Major Sharynyl Raffin ng PNP Special Action Force at sinasabi umano nitong nakatalaga siya sa Mindanao.
Una rito, dumulog sa mga otoridad ang isang lalaki na si alyas ‘Xander’ na pinangakuang tutulungan ni Buncag para makapasok sa PNP na nawawala ang kanyang motorsiklo at pinaghihinalaan nito na si Buncag ang tumangay sa kanyang motorsiklo.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib-pwersa ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela, CIDG Isabela at Cabagan Police Station sa isang hotel sa bayan ng Cabagan at nagkataon naman na ginamit ni Buncag sa naturang transaksyon ang nawawalang motorsiklo ng biktima.
Tuluyang dinakip si Buncag at dinala sa himpilan ng CIDG Isabela.
Ayon pa kay Maj. Sales, lima (5) na aplikante kabilang na si alyas ‘Xander’ ng Lasam, Cagayan na natangayan ng motorsiklo ang nabiktima ni Buncag kung saan nakapagbigay na ito ng inisyal na bayad na P15,000; umaabot naman sa P750,000 ang naibigay na bayad ng isa pang 22 years old na biktima; P550,000 mula sa 29 years old na biktima ng Tupang, Alcala habang nasa P1,500 naman na paunang bayad mula sa dalawa (2) pang biktima mula Angadanan, Isabela.
Bukod sa limang (5) natukoy na na-scam ni Buncag ay mayroon pang mga inaasahang biktima na magsasampa rin ng kanilang reklamo.
Mensahe naman ni Maj. Sales sa mga aplikante na huwag basta-basta magtiwala sa ibang tao lalo kung hindi kakilala at mas mainam aniya na mag-apply online o sa lehitimong page ng AFP at PNP recruitment at lalong wala rin aniyang bayad ang pagpasok sa uniformed service.