Nagsampa na ang Philippine National Police (PNP) ng kasong kidnapping with Serious Illegal Detention, Child Exploitation at Human Trafficking laban sa pitong suspek na nahuli nitong Lunes, kasabay ng pagkaka-rescue sa 19 na kabataang Lumad sa Cebu.
Ang mga suspek ay kinabibilangan ng dalawang Datu, dalawang guro at tatlong adult na estudyanteng Lumad.
Sila ay iprinisenta sa inquest proceedings mula sa Police Regional Office (PRO) 7 Camp, Osmeña, Cebu sa Provincial Prosecutor’s Office ng Davao del Norte Hall of Justice, Capitol Site, Mankilam, Tagum City sa pamamagitan ng video conference.
Binigyan naman sila ng 15 araw para magsumite ng kanilang counter-affidavit.
Ang mga kaso laban sa mga suspek ay dahil na rin sa reklamo ng anim na magulang ng mga batang naligtas na dinala umano ng mga suspek ang kanilang mga anak mula sa Talaingod Davao del Norte noong 2018 patungong Cebu City nang walang paalam.