Ikinatuwa ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) sa mapayapang pagdaos sa pangkalahatan ng ikalawang plebisito sa Lanao del Norte at North Cotabato.
Ayon kay NCMF Secretary Saidamen Pangarungan, bagaman at wala pang opisyal na resulta sa botohan may pag-asa nang natatanaw ang NCMF sa mga lugar na nais maging bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Handa na aniya na makipagtulungan sa tagumpay at tuluyan nang mapanatili ang kapayapaan at paglago ng ekonomiya sa rehiyon.
Sa ginaganap na botohan sa Lanao del Norte at North Cotabato, hindi naging hadlang ang ilang naitalang karahasan para takutin at pigilan ang mga registered voters na gamitin ang kanilang karapatan sa pagboto.
Base sa monitoring ng National Commission on Muslim Filipino (NCMF) sinabi ni NCMF Director Dimapuno Datu- Ramos Jr., base sa unofficial results ng botohan sa North Cotabato as of 4:30 ng hapon kahapon, nangingibabaw ang YES votes laban sa NO votes sa Pigcawayan, Pikit, Midsayap, Kabacan, Carmen at Tulunan.
May ilang munisipalidad naman sa Lanao del Norte tulad ng Baloi, Pantar, Tagoloan, Munai, Tangkai at Nunungan ang lumamang ang NO votes laban sa YES votes.