Pansamantalang suspendido ang mga laro at aktibidad ng Philippine Baskeball Association (PBA) dahil sa patuloy na pagtaas ng kumpirmadong kaso ng novel-coronavirus (COVID-19) sa bansa.
Inanunsyo ng liga ang naturang desisyon sa pamamagitan ng social media at official website nitong Miyekoles ng umaga.
Ayon sa pamunuan, nagkasundo ang mga opisyal at board of governors na kanselahin muna ang torneyo sa isinagawang emergency meeting kagabi, Marso 10.
Prayoridad nila ang kapakanan, kaligtasan, at kalusugan ng mga manlalaro, coaching at production staff, at maging mga tagahanga.
“Considering the present situation surrounding COVID-19 and the Presidential declaration of Public Health Emergency, it is our paramount duty and responsibility to ensure the health and safety of our fans, players, teams, officials and staff,” paliwanag ni PBA Commissioner Willie Marcial.
Kabilang sa mga ipinagpalibang laban ay ang Philippine Cup, PBA D-League Aspirants Cup, at inaugural ng PBA 3×3 tournament.
“The league however will assess the effects of Covid 19 on a day-to-day basis guided by the parameters set by the DOH and WHO and will remain committed to conduct its games and activities in a safe and responsible manner for all its stakeholders,” dagdag pa niya.
Sa ngayon, hindi pa tukoy kung kailan ire-resume ang mga kanseladong laban.