PBA LEGEND, NAGHATID NG BASKETBALL PROGRAM PARA SA MGA KABATAAN SA BAYAMBANG

Sa kabila ng tindi ng init, hindi napapawi ang hilig ng mga Pilipino sa basketball.

Sa mga kalsada, covered courts at bakanteng espasyo, patuloy na makikita ang mga kabataang naghahabol ng bola, nagsasanay ng kanilang tira at nangangarap balang araw ay maabot ang mas mataas na antas ng kanilang paboritong isport.

Mas lalong umigting ang posibilidad na matupad ang ilan sa mga pangarap na ito matapos bumisita sa Bayambang ang tinaguriang PBA legend na si Edward Joseph “EJ” Feihl at ang kanyang mga kasamahan nitong Setyembre 29, 2026.

Sa kanilang pagbisita sa tanggapan ng Bayambang, tinalakay ang mga planong programang maaaring magbigay ng dagdag na oportunidad sa mga kabataang manlalaro.

Kabilang dito ang posibleng pagsasagawa ng isang celebrity basketball match sa Bayambang na maaaring tampukan ng mga PBA legends tulad nina Marlou Aquino, kasama ang mga basketball players ng bayan.

Bukod dito, iminungkahi rin ang pagsasagawa ng roving basketball clinic sa 77 barangay ng Bayambang.

Sa programang ito, mismong mga PBA legends ang magsisilbing coaches upang ibahagi sa mga kabataan ang kanilang kaalaman, disiplina at karanasan mula sa kanilang mga taon sa paglalaro ng basketball.

Sakaling maisakatuparan, maaari itong magbukas ng mas maraming pagkakataon para mapaunlad ng mga kabataan ang kanilang kasanayan, mahikayat na manatiling aktibo sa sports at higit pang pagbutihin ang kanilang kakayahan sa basketball. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments