
Maayos na naisilbi ng search warrant ang National Bureau of Investigation o NBI sa tatlong magkakatabing bahay sa Valle Verde, Pasig City noong Agosto 28.
Ayon sa ulat, nagsimula ang operasyon matapos ang briefing ng mga operatiba at isinagawa ang pagsisilbi ng warrant bandang alas-6:20 ng gabi.
Sa unang dalawang bahay sa No. 1 Champaca at No. 28 Jasmin, walang nakitang baril o bala ang mga operatiba.
Gayunman, sa No. 22 Cattleya, natagpuan sa hagdanan ang isang kahon na naglalaman ng mga basyo ng bala ng caliber 5.56, ilang loaded na magazine ng 9mm, at mga dokumentong kabilang ang Philippine National Police (PNP) Property Acknowledgement Receipt, PNP Certification, at isang PNP identification card.
Ayon kay Rowena Velasco, may mga tauhan ng PNP mula sa Presidential Security and Protection Group o PSPG at Regional Mobile Force Battalion 4-A na nakadetalye bilang security personnel sa naturang bahay.
Nangako rin umano siyang ihaharap ang mga ito sa NBI at magsusumite ng kaukulang dokumento para sa beripikasyon.
Naging maayos at mapayapa ang operasyon, kung saan nakasaksi ang mga residente, kanilang abogado, mga kinatawan ng barangay, at ng Valle Verde Security Office.
Patuloy ang imbestigasyon ng NBI kaugnay sa mga nakuhang bala, magasin, at mga dokumento.










