PBA | SMB, target ang ika-3 panalo kontra Ginebra

Manila, Philippines – Kahit naging impresibo sa kanilang huling dalawang laro, hindi dapat magpakakumpiyansa ang defending champion San Miguel Beer sa game 4 kontra sa Barangay Ginebra sa best of seven title series ng PBA Commissioner’s Cup.

Ito ang paalala ni SMB Head Coach Leo Austria sa Beermen.

Ayon kay Austria, isang panalo lang ang lamang nila Gin Kings at kayang-kayang maitabla ng Ginebra ang serye kung mananalo sila mamayang gabi sa Smart Araneta Coliseum.


Sa kabila nito, nanatiling paborito ang Beermen na makuha ang game 4. Sa huling dalawang laro kasi nilampaso ng todo ng SMB ang Ginebra, 134-109 noong game 2 at 132-94 naman sa game 3.

Mamayang gabi rin malalaman kung sino ang tatanghaling Best Player of the Conference at Best Import awardee.

Nangunguna sa BPC award si reigning 4-time MVP June Mar Fajardo habang dikitan naman ang labanan nina Justine Brownlee at Renaldo Balkman sa Best Import Award.

Facebook Comments