Handa ang PBA at mga collegiate basketball leagues na magkaroon ng break ang kanilang liga upang bigyang-daan ang partisipasyon ng Gilas Pilipinas sa fifth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ito ang inihayag ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes kung saan nakipagkasundo na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa mga stakeholders nito.
Maliban sa PBA, sumang-ayon ang pamunuan ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa naturang plano.
Kung kakailanganin, dalawang linggong break ang gagamitin para mabigyan ng pagkakataon na makapag-ensayo nang sama-sama ang mga players na mahuhugot mula sa PBA, UAAP at NCAA.
Idaraos ang fifth window ng qualifiers sa Nobyembre — ang buwan na kasagsagan ng PBA, NCAA at UAAP.
Sa naturang buwan, dalawang beses na maglalaro ang Gilas Pilipinas.
Una na ang laban nito kontra sa Jordan sa Nobyembre 10 na idaraos sa Amman, Jordan kasunod ang pagharap uli sa Saudi Arabia sa Nobyembre 13 na gaganapin naman sa Dammam, Saudi Arabia.
Nais ng SBP na magkaroon ng sapat na panahon ang mga maglalaro sa Gilas Pilipinas para makapag-ensayo ng magkakasama.
Malaking tulong ang ensayo para mabuo ang chemistry ng koponan.
Hindi na muna makakapaglaro si NBA star Jordan Clarkson ng Utah Jazz dahil nasa kasagsagan na ng NBA season ang schedule ng fifth window.
Wala pang linaw kung makababalik sa Pilipinas si Kai Sotto na maglalaro naman sa Australia National Basketball League (NBL) para sa Adelaide 36ers.