PBBM, dapat nang pumili ng ibang kalihim ng DA para mas matutukan ang mga problema ng mga magsasaka

Hindi pa natutupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangako nitong babawasan ang importasyon ng agricultural products.

Ayon kay United Broilers and Raisers Association (UBRA) Chairman Gregorio San Diego, sa halip na mabawasan ay lalo pang dumami ang mga ini-import ng bansa.

Kaya naman ang mga poultry farmers, kung hindi man nagbawas ay nagdadalawang-isip na kung mag-aalaga pa dahil problema rin nila ang napakalaking gastos lalo na sa patuka.


“Nakausap namin siya, two months ago, pinapunta kami sa Malacañang, ang sinabi niya babawasan niya yung importation. E siguro sa dami ng mga problema niya, marami dun e importation ang ugat, e wala, hindi pa nangyayari, bagkus lalong dumadami ang imported,” ani San Diego sa panayam ng RMN Manila.

“Yung sinasabi namin nung araw pa na halos lahat ini-import ultimo asin, asukal… dati kasi dahil maingay kami, ang akala lang ng tao ang ini-import na marami ay manok at baboy pero gulay, prutas, lahat yan, ini-import na,” saad pa niya.

“Kaya nga yung iba, maingat ngayon dahil napakalaki ng puhunan, kapag nalugi ka, ang laki rin ng kalugihan mo.”

Kaugnay nito, naniniwala si San Diego na baka kailangan nang magtalaga ng pangulo ng ibang kalihim ng Department of Agriculture (DA) upang mas matutukan ang mga problema ng mga magsasaka.

“Hindi naman kami lang, pati yung ate ng ating pangulo, si Senator Imee Marcos e nagsasabi na ‘umaksyon na kayo bago pa mahuli ang lahat’ di ba?” saad niya.

“E syempre, kumbaga sa ano, nangangapa pa rin siguro, nakita niyo naman yung mga cabinet ano natin e, nag-resign na yung iba. Siguro e talagang nahahati yung oras niya kaya mas maganda nga siguro, makapili siya ng secretary sa agrikultura na talagang tutulong sa mga Filipino farmers,” giit pa ni San Diego.

Facebook Comments