Aminado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gugugol ng mahaba-habang panahon para kumpletong mailatag ang target nito kaugnay sa renewable energy.
Ayon sa presidente, karaniwang tatagal ng anim hanggang pitong taon para maitayo ang kakailanganing mga power plant sa bansa pero desidido aniya siyang maitayo ang mga ito.
Sa katunayan, inihayag ni Pangulong Marcos Jr., na sisimulan niya itong maipatayo kahit hindi ito matapos sa ilalim ng kaniyang termino.
Ang importante aniya ay masimulan na ang pagtatayo sa mga ito at committed aniya siya na magpalit mula sa traditional fossil fuels patungo sa renewable energy para sa bansa.
Dagdag ng pangulo na long term ang kaniyang pananaw sa usapin ng enerhiya sa bansa at ang programa ng kaniyang administrasyon kaugnay sa isyu ng energy ay nakatuon sa pagkakaruon ng mas mataas na suplay.