Hindi pabor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magpatupad ng total deployment ban ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait.
Sa kabila ito ng pagsususpinde ng Kuwaiti government sa entry at working visa ng mga Pilipino.
Ayon sa pangulo, walang magagawa ang Pilipinas sa patakarang ipinatutupad ng gobyerno ng Kuwait.
Pero patuloy raw siyang makikipagnegosasyon sa Kuwait para maresolba ang isyu.
“I don’t know, yung sometimes overreaction yung iba, basta ban lang tayo ng ban, hindi naman tama. I think the proper reaction is to take the decision of the Kuwaiti government to no longer issue new visas… It’s their country, those are their rules, so we will just leave that issue open and hopefully we will continue to negotiate with them,” paliwanag ni Marcos.
“We will continue to consult with them at baka sakali down the road magbago ang sitwasyon, maibalik ngayon ang ating mga workers, lalo na yung mga nabitin… So hopefully down the road we will continue to work to improve that situation,” dagdag ng pangulo.
Sinuportahan naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople ang pag-reject ng pangulo sa panukalang total deployment ban.
Ayon sa kalihim, kailangang irespeto ang desisyon ng Kuwait.
“I think in time, there will be a mutual understanding on the way forward,” ani Ople.
Tiniyak naman nito na tutulungan ng ahensya na makahanap ng bagong trabaho sa ibang bansa ang mga OFW na apektado ng suspensyon nang sa gayon ay hindi rin sila mabiktima ng illegal recruitment.