
Hindi pipigilan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga gabinete na ipatatawag sa ikalawang pagdinig ng Senado kaugnay sa pagkaka-aresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, kailangang masagot ang mga katanungang ibinabato sa kanila para mapatunayang walang mali sa ginawang pag-aresto.
Pero ang hiling lamang ng palasyo sa Senado, ay huwag sanang malabag ang “executive privilege” sa gagawing pagdinig.
Sa Huwebes, itinakda ng Senate Committee on Foreign Relations ang ikalawang pagdinig sa naging proseso ng pagkaka-aresto ng dating pangulo na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos.
Nauna nang iginiit ng palasyo na may “executive privilege” ang pangulo at executive officials sa ilalim ng Saligang Batas, para protektahan ang anumang sensitibong impormasyon tulad ng operational details sa panghihimasok ng ibang sangay ng gobyerno.