AKAP program, hindi ititigil kahit nasa panahon ng kampanya – Malacañang

Malamig ang Malacañang sa mungkahing itigil ang pamamahagi ng Ayuda para sa Kapos ang Kita o AKAP Program para maiwasang magamit ng mga kandidato para makakuha ng boto sa halalan sa Mayo.

Ang AKAP ay programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) simula pa noong 2024, na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga low-income workers na pinakaapektado ng inflation o pagtaas ng presyo ng bilihin.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tumataas ang antas ng kagutuman kahit maraming programa at tulong ang gobyerno na tutugon sa problema.

Mahirap aniya kung maipapatigil ang programa dahil maraming Pilipino ang umaasa sa ayuda na magtatawid ng kanilang pang-araw-araw na buhay.

Kaya naman sabi ni Castro, tuloy-tuloy pa rin ang implementasyon ng AKAP program kahit pa nasa panahon ng kampanya.

Kamakailan ay naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang grupo na humihiling na ipatigil ang implementasyon at pagpapalabas ng pondo ng programa sa ilalim ng 2025 national budget.

Inihalintulad ng mga petitioners ang program sa congressional pork barrel na isa umanong lump-sum discretionary fund na kinokontrol ng mga mambabatas.

Facebook Comments