PBBM, hiningi ang kooperasyon ng mga mambabatas para malabanan ang malnutrisyon sa bansa

Panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga mambabatas na lumikha ng batas sa harap ng pagsisikap ng gobyerno na labanan ang malnutrisyon sa bansa

Sa paglulunsad ng Philippine Multi-Sectoral Nutrition Project na ginanap sa Manila hotel ngayong umaga, sinabi ng pangulo na sa pamamagitan ng mga panukalang batas na babalangkasin ng mga mambabatas ay mapagtutulungan ang problema sa malnutrisyon.

Binigyang diin ng presidente na importanteng matugunan ang problema sa malnutrisyon lalo’t nakakaapekto ito hindi lamang sa productivity ng mga bata maging sa kanilang academic performance.


Punto pa ng pangulo na ang maayos na nutrisyon ay susi sa socio-economic target ng bansa dahil may kinalaman ito sa pagiging produktibo ng bawat isa.

Kaya ayon kay Pangulong Marcos, prayoridad ng kanyang administrasyon na matiyak na matatag ang food security ng bansa.

Gagawin ang inilunsad na Philippine Multi-Sectoral Nutrition Project sa 275 na munisipalidad, 13 rehiyon at 29 na mga lalawigan lalo na sa mga lokal na pamahalaan na may mataas na bilang ng mga batang bansot o mga batang mas mababa sa edad na lima -maging ang mga buntis at mga nagpapadedeng mga ina.

Ang mga Local Government Units (LGUs) na ito ay pinili batay sa ilang katangian o criteria tulad ng mataas na bilang ng mga batang bansot o nasa 17.5% at may mataas na antas ng kahirapan.

Facebook Comments