PBBM, inaprubahan ang pagsasanib ng LandBank at DBP; pagkawala ng trabaho ng maraming empleyado ng DBP, aasahan

Aasahan na maraming empleyado ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang mawawalan ng trabaho.

Ito ay matapos na aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagsasanib ng Landbank of the Philippines (LandBank) at DBP.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na magkakaroon ng redundancy o pag-uulit lang ng trabaho kapag pinagsanib na ang dalawang bangko.


Kaya naman, mag-aalok aniya ng separation pay sa mga matatanggal sa trabano na pwede aniya nilang gamitin sa pagnenegosyo o kung saan man nila ito balak na gugulin.

Sinabi pa ng kalihim, magiging epektibo aniya ang pagsasanib ng LandBank at DBP bago matapos ang taon.

Layunin aniya nitong makatipid ang gobyerno at mapalakas ang pagbabangko sa bansa.

Sa pagtataya ni Secretary Diokno, P5.3 bilyon ang matitipid sa operational cost savings ng dalawang bangko sa unang taon at P20 bilyon sa unang apat na taon.

Kapag pinagsanib aniya ang dalawang bangko, ito na ang magiging number one bank sa Pilipinas, mas malaki sa Banco De Oro sa usapin ng assets.

Facebook Comments