PBBM, inihayag na hindi makipagtutulungan ang gobyerno sa imbestigasyon ng ICC sa war-on-drugs ng Duterte administration

 

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi makipagtutulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Ito’y may kaugnayan sa war-on-drugs noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nanindigan ang pangulo na walang hurisdiksyon ang mga imbestigador ng ICC para magkasa ng imbestigasyon.


Sa isang ambush interview, sinabi ng pangulo na bilang ordinaryong tao ay maaaring pumunta o bumisita sa Pilipinas ang ICC investigators pero wala silang maaasahang kahit anong tulong sa pamahalaan.

Inamin naman ni Marcos na binabantayan din ng gobyerno ang mga galaw ng ICC investigators para masigurong wala silang magiging contact sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Sakali umano na makalusot at makausap nila ang mga opisyal o ahensya ng pamahalaan kaugnay ng imbestigasyon, ay mahigpit ang kanilang paalala na huwag sasagutin ang ICC investigators.

Matatandaan na una nang lumutang ang impormasyon na dumating ng Pilipinas ang ICC investigators para ituloy ang pagsisiyasat sa madugong war-on-drugs, at malapit na rin umanong ilabas ang arrest orders para kay dating Pangulong Duterte.

Facebook Comments