Nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Cebu-Negros-Panay (CNP) transmission line bilang bahagi ng nakatakdang energization ng pasilidad para sa full capacity ng buong transmission system sa Visayas.
Sa seremonya sa Bacolod Substation ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), sabay-sabay na pinagana ang Cebu-Negros-Panay Backbone sa mga lalawigan ng Iloilo, Negros Occidental, at Cebu
Ayon sa NGCP, maraming hamon ang hinarap nila bago makumpleto ang proyekto.
Partikular sa usapin ng right-of-way dahil sa pagtutol ng mga may-ari ng lupa, matagal na judicial process, permitting process ng LGUs kahit pa sinertipikahan bilang Energy Project of National Significance (EPNS) noon 2019, security issues, at pandemya.
Gayunpaman, pursigido ang NGCP na magbigay ng maaasahang imprastraktura para sa kuryente kaya naman patunay anila ang CNP sa commitment na mapalakas ang power transmission capabilities ng bansa.
Aminado naman ang NGCP na hindi lang ito ang solusyon sa problema sa kuryente partikular sa Panay dahil dedepende pa rin ito sa sapat na supply.