PBBM, ininspeksyon ang Valenzuela NFA warehouse para masiguro ang P25 kada kilo ng bigas sa mga Kadiwa store

Nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magpatuloy ang supply ng bigas sa Kadiwa ng Pasko na maaring mabili sa P25 kada kilo, kasunod ng kaniyang isinagawang surprise inspection sa warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Valenzuela City.

Sinabi ng pangulo na nais niyang makatiyak na hindi mapapatid ang supply sa Kadiwa kaya minabuti niyang puntahan muna ang mga warehouse.

Aniya, ito ang panahon na naglalabas na ng bigas, kaya maaring tuloy-tuloy na rin ito at hindi mauubusan ang Kadiwa ng commodities na ipagbibili sa abot-kayang presyo.


Inihayag ni Pangulong Marcos na mayroong sapat na supply ng bigas sa Valenzuela City warehouse, sa kabila ng binawasan ng pamahalaan ang importasyon at binigyang prayoridad ang local na produkto.

Sa kaso naman ng supply ng sibuyas, sinabi ng Punong Ehekutibo na humahanap sila ng paraan para agad madala sa merkado ang smuggled onions.

Posible aniyang sa susunod na linggo ay mayroon nang mailatag na solusyon ang pamahalaan hinggil sa smuggled na sibuyas.

Facebook Comments