Inihayag ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang mga nakamit ng kanyang administrasyon sa unang isandaang araw nito sa Manila Overseas Press Club’s (MOPC) President’s Night sa Pasay City.
Ayon sa pangulo, isa sa mga nakamit ng kanyang panunungkulan ang pagbubuo ng gobyernong may malinaw na hangarin at pagkakaisa sa kabila ng pagkakaroon ng magkakaibang politikal na paniniwala na dulot ng nagdaang eleksyon.
Bukod dito, itinampok din ni Marcos ang aniya’y panunumbalik ng magandang relasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang mga bansa kaugnay ng mga nagdaang pagbisita nito sa Indonesia, New York, at Singapore.
Tinagurian din niya ito bilang “coming-out party for the world” ng Pilipinas matapos ang halos tatlong taon na krisis.
Samantala, inihayag naman ng pangulo ang pagkakaroon ng balanseng posisyon ng pamahalaan sa pagitan ng alitan ng ibang mga bansa tulad ng Russia at Ukraine at iginiit ang hangarin nitong kapayapaan para sa Pilipinas.