Tiwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mas magkakaroon ng kredibilad ang election system sa bansa dahil sa mga ginagamit na mga makabagong teknolohiya.
Sa pagdalo ng pangulo sa 1st National Election Summit, sinabi nitong siguradong maipapatupad ang positibong pagbabago, magkakaroon ng mas mabilis na election result transmission at mapapanatili ang accuracy ng halalan dahil sa mga makabagong teknolohiyang ito.
Napapanahon din aniya ang ginawang 1st National Election Summit ng Commission on Elections (COMELEC) para sa paghahanda sa gaganaping Barangay at Kabataan Election sa Oktubre.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., natutuwa siyang may mga ganitong aktibidad dahil magbibigay ito ng lugar para magkaroon ng national dialogue sa pagitan ng mga election stakeholders sa pagbuo ng mga polisiya, plano at programa para mas mabilis ang proseso ng mga gaganaping eleksyon sa bansa.
Nanawagan naman ang pangulo nang mas aktibong kooperasyon mula sa mga stakeholders, experts at civil society organizations para matiyak ang patas, payapa at credible na halalan sa bansa.