Wednesday, February 18, 2026

PBBM, may mensahe kay VP Sara sa pagtakbo nito bilang pangulo; bise presidente, mas marami pang dapat ihingi ng tawad sa publiko ayon sa Malacañang

Ito lamang ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Vice President Sara Duterte matapos nitong ianunsyo ang kaniyang pagtakbo sa pagka-pangulo sa 2028 elections.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, narinig din ng pangulo ang paghingi ng tawad ni Duterte sa publiko dahil tinulungan umano niya itong manalo sa 2022 Presidential Elections.

Giit ni Castro, taumbayan ang bumoto sa pangulo at hindi dapat akuin ng bise presidente ang kredito dahil pareho silang nagtulungan noon sa ilalim ng UniTeam.

Dagdag pa ng Malacañang, mas marami pang dapat ihingi ng tawad si VP Sara sa publiko kaugnay ng mga isyung kinahaharap niya.

Kabilang dito ang umano’y kwestyonableng paggamit ng confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), mga pahayag niya tungkol sa pagkakaroon ng kakilalang assassin, pagpapakalat ng fake news, at ang P7-milyong ginastos para sa staff, seguridad sa kanyang personal trips ngayong 2025, at maraming pang iba.

Binigyang-diin din ng palasyo na hindi maaaring isisi sa administrasyon ang impeachment case na kinahaharap ng bise presidente sa Kongreso.

Sa huli, sinabi ng Malacañang na ang publiko ang huhusga kung sino ang tunay na nagtatrabaho para sa bayan.

Facebook Comments