Nababahala si Pangulong Bongbong Marcos sa umano’y “gentleman’s agreement” sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng West Philippine Sea noong panahon ng administrasyong Duterte.
Sa isang ambush interview, aminado si Pangulong Marcos na natatakot siya sa ideya na posibleng nakompromiso na ang soberenya at karapatan ng Pilipinas sa teritoryo dahil lang sa isang sikretong kasunduan.
Tutol din ang pangulo na sundin ang umano’y kasunduan, lalo na kung kailangan pang magpaalam ng Pilipinas sa China para lang makagalaw sa sariling teritoryo ng bansa.
Dagdag pa nito, ilang beses na rin aniya silang sumubok na makipag-usap sa mga dating opisyal ni dating Pangulong Rodrigo Duterte pero wala silang makuhang direktang sagot.
Ipatatawag na rin aniya ng Pangulo si Chinese Ambassador Huang Xilian para pagpaliwanagin hinggil sa isyu.