Sumailalim na sa RT-PCR test si Pangulong Bongbong Marcos.
Ito ay matapos magkaroon ng close contact kay Cambodian Prime Minister Hun Sen na nagpositibo sa COVID-19.
Nakasalamuha ng pangulo ang prime minister ng Cambodia matapos dumalo sa ASEAN Summit.
Ayon kay Office of the Press Secretary Officer-in-Charge Undersecretary Cheloy Garafil, nagpa-RT-PCR test ang pangulo bilang bahagi na rin ng health protocol para sa pagdalo sa Asia Pacific Economic Cooperation Summit na gaganapin sa Bangkok, Thailand.
Bibiyahe ang pangulo patungo ng Thailand bukas, Nobyembre 16.
Wala pa namang anunsyo ang Palasyo kung ano ang resulta ng RT-PCR test ng pangulo.
Sinabi pa ni Garafil na sasailalim din sa RT-PCR test ang delegasyon ni PBBM sa Cambodia.
Ipinaabot din ng Pangulo ang kanyang hangarin ng agarang paggaling ni Prime Minister Hun Sen.