Nanatiling masama ang loob ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa nangyaring trahedyang dala ng nagdaang Super Typhoon Yolanda noong 2013.
Sa isang panayam sa Tacloban City, emosyonal na kinuwestyon muli ng pangulo kung bakit ipinatigil noon ng Aquino administration ang pagbibilang ng mga nasawi sa lalawigan.
Hindi pa rin kumbinsido si Pangulong Marcos na hanggang 6,000 lamang ang bilang ng mga nasawi noon sa trahedya.
Ayon sa pangulo, higit pa rito ang mga namatay at hanggang ngayon ay hindi alam kung ilang lahat at kung sinu-sino ang mga ito dahil ipinatigil na noon ang paghahanap ng mga nawawala pang mga indibidwal.
Sa kaniya namang mensahe, binigyang katwiran ng pangulo kung bakit kailangan pa ring alalahanin ang pighati at trahedyang iniwan ng Super Typhoon Yolanda sa Leyte at Samar.
Aniya, patuloy pa rin ngayong nagdadalamhati ang maraming pamilya lalo na ang mga may mga miyembro na hindi na nakita pa at nabigyan man lang ng tamang pagrespeto at disenteng libing dahil ipinatigil na ang paghahanap.
Binigyang diin ng pangulo na dahil dito ay dapat lamang silang alalahanin kahit hindi alam kung ilan talaga ang mga ito at kung sinu-sino sila.
Una rito ay nag-alay ng bulaklak si Pangulong Marcos para sa mga nasawi noong Super Typhoon Yolanda na ginanap sa Holy Cross Memorial Garden sa Tacloban City.