Nag-post sa FB na pasasabugin ang isang paaralan sa Taguig, hinahanap ng PNP

Tinutunton na ng Philippine National Police (PNP) ang netizen na nagbanta kahapon sa social media na magpapasabog ng bomba sa isang paaralan sa Signal Village, Taguig City.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, inatasan na ang PNP Anti-Cybercrime Group na tukuyin at sampahan ng kaukulang kaso ang nasabing nag-post sa social media.

Sa screenshot ng Taguig City Facebook Live, nakita ang mensahe mula sa isang nagngangalang ‘Sofia Smith’ na nagsasabing magpapasabog siya ng bomba at papatayin ang lahat ng estudyante sa Signal Village National High School.


Dahil dito, sinuspinde ang klase kahapon sa naturang paaralan at nag-deploy agad ng Special Weapons and Tactics team para i-secure ang paaralan at matapos ang masusing paghahanap ay mabuting walang nakitang bomba.

Facebook Comments